HomeHASAANvol. 2 no. 1 (2015)

Ang mga Pakikibaka ng mga Ayta noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig: Isang Panimulang Kasaysayan

Analyn B. Muñoz

 

Abstract:

Ang mga Ayta ay kadalasang itinuturing na
“minoridad lamang” kasama ng mga katutubong
pangkat sa bansa. Isang trahedyang maituturing na
wala silang nasusulat na kasaysayan. Kung mayroon
man, ang mga ito ay naisulat ng mga kolonisador
kaya’t ang pananaw ay maka-kanluran. Subalit, may
positibong mensaheng mapupulot mula sa halos
kawalan ng presensya nila sa mga talang kolonyal.
Hindi sila naabot ng mga banyagang mananalaysay
dahil hindi sila napasailalim sa kapangyarihang
kolonyal. Ang kabundukan bilang likas na tahanan
ang naging likas na depensa rin nila mula sa banta
ng kolonyalismo, partikular na noong panahon ng
Hapon. Kaugnay nito, layunin ng pananaliksik na
talakayin ang papel ng mga Ayta noong Ikalawang
Digmaang Pandaigdig, partikular ang pakikibakang
gerilya sa Bulubunduking Zambales. Gamit na batis
ang mga naisulat ng mga Amerikanong gerilya at
ilang panayam sa mga buhay na gerilyang Ayta,
nakatuon ito sa malaking impluwensya ng kanilang
kultura sa pakikibaka ng mga gerilyang Amerikano.
Binigyang-diin ang kahalagahan ng papel ng mga
Ayta sa pagtatagumpay ng laban sa mga Hapon at
sa pambansang pagkilos ng mga gerilya.