Jane K. Lartec | Sheila D. Dotimas | Carren Mae R. Maraño | Mary Ann P. Pitas | Jonabeth L. Polido | Kristine L. Senio
Ang inklusibong edukasyon ay tumutukoy sa kagustuhang malampasan ang mga hadlang sa partisipasyon at pagkatuto ng lahat ng mga mag-aaral sa paaralan- anuman ang kanilang wika, politikal na paninindigan o uring kinabibilangan. Upang matamo ito, mahalaga ang papel na ginagampanan ng inklusibong wika. Kung kaya, layon ng pag-aaral na suriin ang paggamit ng inklusibong wika sa Filipino ng mga guro sa Paaralan ng Edukasyong Pangguro ng Saint Louis University, Baguio City. Ginamit ang deskriptibong pamamaraan upang makuha ang mga datos mula sa labing-anim na respondente. Lumabas sa resulta ng pag-aaral na ang paggamit ng mga guro ng inklusibong wika sa Filipino ay kalimitang ukol sa mga katawagan sa kapansanang pisikal at mental. Natuklasan ding nangungunang salik ang ugnayan ng wika at kultura sa paggamit ng inklusibong wika tungo sa pagpapatupad ng inklusibong edukasyon. Sa huli, ang mga mungkahing pamantayan mulasa mga guro ay nagbibigay ng pansin sa lahat ng domeyn ng holistikong pagkatuto gaya ng pagkakaroon ng kaalaman, pagpapahalaga at pagsasagawa. Samakatwid, kailangang bigyang-pansin ang ugnayan ng wika at edukasyon sa pagtamo ng inklusibong edukasyon sa lahat ng aspekto at larangan.