Ang pilosopiyang Filipino ay karaniwang inilalarawan bilang pagsisiwalat ng katutubong kaisipan. Kaakibat nito ang paghimok ng paggamit ng wikang Filipino tungo sa paghahanap ng pananaw na sariling-atin bilang patunay na ang logos ay umusbong din sa ating sariling kalinangan. Bagamat hindi matatawaran ang mga nakamit na ng pagsisikap na ito, naninindigan pa rin ako na ang pilosopiyang Filipino, bilang isang lehitimong pilosopikal na diskurso, ay hindi dapat ituring na kasangkapan lamang sa pagbuo ng identidad o kaya tulay lamang upang buhayin muli ang pambansang gunita ng isang lumipas na hindi pa nadudungisan. Kung nais nating palawakin ang ating kakayanang mamilosopiya bilang mga Filipino, hindi natin dapat hayaan ang pilosopiyang Filipino na makulong sa diskurso ng identidad o nasyonalismo. Mas magiging makabuluhan ang panukalang ito kung aalahanin natin na ang sarili bilang isang konsepto ay malaon nang problematiko. Sa papel na ito, sinikap na ilapat ang mga kaisipan tungkol sa diyalektika ni Theodor Adorno sa pagbabakasakali na makasumpong ng iba pang posibilidad para sa pilosopiyang Filipino. Naging gabay sa pagtalakay ang tanong na: May pupuntahan ba ang pilosopiyang Filipino liban sa diskurso ng sariling-atin? Nananalig ang papel na ito na may puwang pa ang pilosopiyang Filipino sa labas ng tunggalian ng Silangan at Kanluran, ng katutubo at ng dayuhan, ng atin at ng hiram. Sa panahon na tuluyan nang binago ng globalisasyon ang ating tradisyonal na pag-unawa tungkol sa pagkabansa, kultura at akademikong disiplina, hindi na maikakaila pa ng mga tagapagsulong at mananaliksik ng pilosopiyang Filipino ang pangangailangan na muling usisain kung sino nga ba tayo bilang Filipino habang sinisikap nating gawing mas makabuluhan pa ang pilosopiya sa ating kasalukuyang panahon.