HomeHASAANvol. 3 no. 1 (2016)

Diyos at Politika sa Pilipinas: Bakit Nga Ba Pabalik-balik Ang Multo ng Metapisika?

Jovito V. Cariño

 

Abstract:

Gumawa ng ingay ang ilang kasapi ng Iglesia ni Kristo nang okupahin nila ang kalye ng Padre Faura at bahagi ng Edsa bilang pagkondena sa anila’y panggigipit ng estado sa kanilang hanay. Ang pag-aalburutong ito ay resulta ng desisyon ng DOJ (Department of Justice) na aksyonan ang kasong isinampa ng isang natanggal na pastor laban sa pamunuan ng Iglesia sa pangunguna ni G. Eduardo V. Manalo. Itinuturing ng mga nagprotestang kasapi ang hakbang na ito bilang panghihimasok ng estado sa isang internal na sektaryang usapin. Binigyang-katuwiran din nila ang kanilang pagharang sa P. Faura at Edsa bilang isang lehitimong politikal na gawain ng malayang pagpapahayag. Iginigiit ng mga nagprotesta ang pagkakahiwalay ng relihiyon at estado sa pamamagitan ng kanilang panawagan ng pagbabasura sa kaso laban sa kanilang mga punong ministro at di pagtataboy sa kanila mula sa mga pampublikong lansangan na ilang araw na nilang hinaharangan. Hindi ito ang unang pagkakataon na ginamit ng Iglesia ang relihiyon para i-blackmail ang gobyerno at mga politiko at lalong hindi lamang ang Iglesia ang gumagamit nito. Maging ang dominanteng Simbahang Katolika ay kinakitaan ng ganitong taktika sa gitna ng debate (o kawalan ng debate) tungkol sa RH Bill. Mahalagang balikan ang mga halimbawang ito kung nais nating linawin ang papel ng Diyos sa politika lalo na sa konteksto ng Pilipinas. Ang mga halimbawang nabanggit ang kumakatawan sa konserbatibong relihiyosong pananaw na nagtatakda ng malaking puwang sa pagitan ng Diyos at politika. Ang kabalintunaan, hindi lamang relihiyon kundi pati na rin ang modernong ideolohiyang sekular ang naniniwala sa pagkakahiwalay ng Diyos sa politika. Samakatuwid, sa ilalim ng panlabas na tunggalian sa pagitan ng sagrado at sekular ay isang uri ng kasunduan hinggil sa nasabing dialektikong metapisikal. Tila hindi naman talaga ang puwang sa pagitan ng Diyos at politika ang nangangailangan ng kagyat na pansin kundi ang tanong kung bakit nananatili pa rin ang metapisika sa kabila ng deklarasyon ng postmodernidad na tapos na ito. Balak tukuyin ng papel na ito ang implikasyon ng problemang nabanggit kapwa sa relihiyon at pulitika. Ipapahayag sa aking pagtalakay na ang usaping ito ay hindi maiiwasan subalit hindi rin naman imposibleng masolusyunan. Nakasalalay ang solusyong ito hindi sa pagtataboy ng Diyos mula sa pulitika kundi sa pagsasantabi kapwa ng Diyos at politika mula sa mapamuksang metapisika.