Discipline: Psychology
Naging usapin noong dekada 60 hanggang 70 ang mga pagsusumikap ng mga agham panlipunan sa pagpapabuti sa kalagayan ng mga kalahok sa pananaliksik. Sinikap ng mga siyentista sa larangan ng sikolohiya na mapahusay nita ang metodolohiya sa risirts upang maiwasan ang mga maaaring makapinsalang mga pangyayari dulot ng kalikasan ng tao, habang ang isang eksperimento ay isinasagawa, sa loob ng laboratoryo o sa labas man sa larangan. Gayunpaman, hindi lubusang naiaalis nito ang suliraning kaakibat na ng kalikasan ng tao.
Noon pa man ay kinikilala na ng mga sikolohistang mananaliksik ang mga pangyayaring posibleng nakakaapekto sa nagiging resulta ng pag-aaral. Hindi nagbulagbulagan ang mga dalubhasa bagkus ay hinarap ang mga hamon ng pananaliksik sa sikolohiya ng tao. Naghalinhinan ang mga kritiko sa pagtuligsa sa sistematikong pamamaraan ng sikolohiya. Tinumbasan naman ito ng pagsusumikap ng mga sikolohista upang lalong mapaunlad ang metodolohiya ng risirts na nauukol sa behebyur at prosesong pangkaisipan ng tao. Hindi nga nagpabaya ang mga nagsusulong ng agham ng sikolohiya at hindi nito nilubayan ang mga pagpapahusay sa kanyang kakayahang maipaliwanag at maunawaan ang ikinikilos at iniisip ng tao sa kabila ng mga pagbatikos sa ginagamit nitong pamamaraan ng pag-aaral sa sikolohiya ng tao.
All Comments (1)
Farhana Mamayandug
6 months ago
magaling