Discipline: Social Science
Halos tatlong dekada na ang pagpupunyagi ng mga nagtataguyod ng Sikolohiyang Pilipino (Enriquez, 1994). Nagsimula noong unang bahagi ng dekada sitenta ang pagsusumikap na maitatag ang mga simulain ng sikolohiyang nakaugat sa karanasang Pilipino (Pe-Pua, 1989). Lalo pang naging malinaw ang tinatahak nitong landasin nang halos sabay-sabay na pagkilos ng iba pang mga larangan sa agham panlipunan pati na rin sa mga disiplinang pang-agham na makapagpaunlad ng kani-kaniyang identidad na sumasalamin sa tunay na pagka-Pilipino (Aganon at David, 1985). Hindi nga nag-iisa ang sikolohiya sa pagsusumakit nito na maging tapat at totoo sa Kapilipinuhan, nariyan at masigasig ang mga agham panlipunan gaya ng historyograpiya, antropolohiya, sosyolohiya, pati na rin ang pilosopiya at iba pa (Bautista at Pe-Pua, 1991). Naging masigla at masigasig ang kilusang nagpapalaganap ng Sikolohiyang Pilipino sa kanilang mga kumperensiya na nakatuon ang pansin sa paghagilap at muling pagtuklas sa mga likas na pagpapahalagang Pilipino na matatagpuan sa kultura at wika. Pinatunayan sa mga pagpapalitan ng kuru-kuro at ideya ang kaangkupan ng mga pagpoproseso sa mga karanasang Pilipino bilang makabuluhang batayan ng paglilinaw ng mga konseptong Pilipino. Gayundin naman ang paggamit ng F/Pilipino, ang wikang tinutukoy na siyang mag-uugnay sa mga kaalaman, ay minsan pang naging salamin ng gayong kaangkupan ng paglilinaw. Walang bahid ng pagkukunwari sa pagkilala sa kakanyahan ng lahi ang sinasalamin ng mga panulat na nalathala sa sariling wika sa loob ng bansa. Ito ang mga kaganapang saksi sa pag-unlad ng kamaJayang Pilipino noong dekada sitenta hanggang sa kalagitnaan ng dekada otsenta, subalit tila lumihis sa pagpasok ng dekada nobenta, kung bakit ay hindi ko pa lubos na nauunawaan.
All Comments (1)
Jasmin Benitez
1 yr ago
None