Layunin ng artikulong ito na ipakilala sa pang-akademikong diskurso ang Tira Bakal, isang uri ng panata at pagtatanghal na ginaganap sa Lunsod ng San Fernando, Pampanga tuwing Mahal na Araw. Inugat ng pag-aaral na ito ang pinagmulan o kasaysayan ng Tira Bakal. Sino ang naging tagabunsod nito? Bakit ito tinawag na Tira Bakal? Papaano ito ginagawa? At bakit patuloy pa rin itong ginaganap? Dito tinalakay ang probinsya ng Pampanga at ang kaugnayan nito sa penitensya at pagtatanghal ng Tira Bakal. Makikilala si Matias Santos at kung paano nito sinimulan ang kanyang panata, penitensya, at pagtatanghal sa pamamagitan ng pagpasan ng krus at kung ano ang kaugnayan ng kanyang pamangking si Florentino Santos sa pagbansag sa pagtatanghal na ito bilang “Tira Bakal.” Dito rin mababasa ang kuwento ng katawan ni Ronwald Daevee N. Gatpolintan o mas kilala sa palayaw na R.D. Hango ang naratibong ito sa aking obserbasyon sa kanyang pagtatanghal bilang Tira Bakal ng Barangay Juliana sa dalawang nagdaang Biyernes Santo taong 2014 at 2015. Sa pagsilip sa Kasaysayang Buhay nina Apung Matias at R.D., masasalamin ang sákit at sakít na dinaranas ng isang Tira Bakal sa kanyang pamamanata at pagtatanghal. Gamit ang hiniram na konsepto mula sa Istruktura ng Pagkataong Pilipino ni Prospero Covar, pinatunayan na ang sákit ng loob (mga hangarin, panalangin, at saloobing ng isang namamanata) ay may direktang kaugnayan sa sakít ng labas na kinakatawan ng katawan. Gumamit din ng nonparticipant observation, impormal na panayam, at pakikipagkuwentuhan upang makakalap ng datos sa pag-aaral na ito.