HomeSaliksik E-Journaltomo 6 bilang 1 (2017)

PAGSASAHIMPAPAWID NG LOKAL NA MUSIKANG COUNTRY NG MGA KANKANA-EY, IBALOI, AT ILOKANO SA MGA ISTASYON NG RADYO SA LUNSOD NG BAGUIO (1960-2015)*

Jason Paolo R. Telles

 

Abstrak:

Madalas nang nailalathala at naitatampok sa mga akademikong literatura at popular media ang mga pag-aaral ukol sa mga tradisyunal na uri ng musika ng mga pangkat-etniko sa Kordilyera. Ngunit maliit na bilang lamang ang naililimbag ukol sa mga makabagong anyo at uri nito, pati na rin kung paano ito itinatampok sa mga istasyon ng radyo. Kasama na rito ang kasaysayan ng pagsasahimpapawid ng mga awiting Country na isinulat ng mga Kankana-ey, Ibaloi, at maging ng mga Ilokano mula sa Baguio at Benguet. Nilalayon ng pag aaral na ito na maging panimulang sanggunian ukol sa nasabing paksa. Bilang balangkas teoretikal, itinuturing ng pag-aaral na ito na produkto ng pag-aangkin ang paggamit ng radyo upang maisahimpapawid ang mga lokal na awiting country na binuo ng mga Kankanaey, Ibaloi, at Ilokano sa Baguio at Benguet. Upang mabuo ang naratibo ng kasaysayang ito, kinapanayam ng may-akda ang mga beterano at kasalukuyang anawnser, may-ari, at kawani ng mga istasyon ng radyo na nagpapatugtog ng mga lokal na awiting country sa Baguio. Ginamit ding sanggunian para sa pag-aaral na ito ang mga lumang dokumento at mga balita at patalastas sa mga lumang isyu ng mga pahayagan sa Baguio.