HomeSaliksik E-Journaltomo 6 bilang 1 (2017)

Sakit Ng Nakaraan, Ramdam Sa Kasalukuyan: Pangangayaw Sa Kasaysayan At Pakahulugan Ng Mga Tausug

Kamaruddin Bin Alawi Mohammad

 

Abstrak:

Katulad ng ibang kasaysayan, hinubog din ang kasaysayan ng mga Muslim sa Pilipinas ng mga kalakarang panlipunan (social phenomenon) at kaganapang pangkasaysayan (historical event). Nag-iwan ang ilan sa mga ito ng mumunting sugat sa puso ng kasalukuyang henerasyon. Maliit man kung ituring at bahagya na ring gumagaling, nagdudulot pa rin ito ng panaka-nakang pagkirot o pagsakit na siya namang pumupukaw sa mga damdaming “nasaktan ng nakaraan.”

Isa sa mga kaganapang masasabing nag-iwan ng mumunting sugat sa kasaysayan ng mga Muslim sa Pilipinas sa partikular at maging sa kasaysayang pambansa sa pangkabuuan ay yaong gawaing pangangayaw sa ating sinaunang lipunan. Mula sa pagiging kapita-pitagang konsepto, naging kasuklam-suklam na krimen ito—bilang pamimirata. Sa madaling salita, nasira ang reputasyon nito. Malaki ang kinalaman ng mga Kanluranin at iba pang grupo sa naging katayuan nito sa kasaysayan. Tatangkaing ipapaliwanag ng artikulong ito ang naging daloy ng mga pangyayari sa pamamagitan ng pagsagot sa mga sumusunod na katanungan:

(1) Ano ang pangangayaw bilang katutubong kalinangan?
(2) Bakit nasira ang reputasyon ng konsepto ng pangangayaw sa ating sinaunang lipunan?
(3) Anu-ano ang mga elementong bumulabog sa konsepto ng pangangayaw bago tuluyang
nasira ang reputasyon nito?
(4) Ano ang naging epekto ng nasabing pambubulabog sa sikolohiya ng mga Muslim at
Kristiyano sa Pilipinas?
(5) Paano ito nakasira sa relasyon ng dalawa?