Binubuod ng pag-aaral na ito ang lagay ng pagtuturo ng wika at kalinangang Filipino sa Unibersidad ng California sa Los Angeles sa panimulang antas ng pag-aaral na ang katatasan sa wikang Filipino sa panimula ng pag-aaral ay 0 hanggang 0+ ayon sa pamantayan ng ACTFL ILR OPI (American Council on the Teaching of Foreign Languages Interagency Language Roundtable Oral Profciency Interview) sa Estados Unidos. Batay sa karanasan, ang mga elementong nangangailangan ng kaukulang pansin ay ang mga sumusunod: morpolohiya, kaukulan, sintaksis, pokus, aspekto, at panagano ng pandiwa, at diin, intonasyon sa pagsasalita. Problematiko rin ang paggamit ng pang-angkop sa pagitan ng iba’t ibang bahagi ng pananalita para sa mga nag-aaral ng wikang Filipino. May ilang mga aklat na nalimbag na tuwirang pinagtutuunan ng pansin ang pagpapabuti ng mga naturang problematikong elemento ng pagtatamo ng wikang Filipino sa mga mag-aaral na ang unang wika ay Ingles na siyang direktang pinagmumulan ng kahinaan sa mga naturan. Nakita rin na ang ibang mga wikang Pilipino na siyang mga wikang ginagamit sa tahanan tulad ng Kapampangan, Ilokano, Bisaya, at iba pa ay nakakaapekto rin sa kinis ng pagkatuto ng wikang Filipino. Ang pag aaral na ito ay isang eksploratoryo at panimulang pagsipat sa maaaring maging interbensiyon tungo sa mas masinop na pagtuturo ng mga guro at sa mabilis na pagtatamo ng wika ng mga mag-aaral ng wika at kalinangang Filipino.