HomeHASAANvol. 4 no. 1 (2017)

Mga Politika ng Dila: Imahe(Nasyon), Kaakuhan at Erotisismo sa Nobelang Lumbay ng Dila (2010)

John Clifford E. Sibayan

 

Abstract:

Ang pagkalikha ng nobela, ayon sa kritikong si Resil Mojares, ay isang pambansang proyekto. Dumaan ito sa mahabang pagbabago mula sa pagkabatid natin sa genre ng nobela na ipinaman ng mga kolonyalistang Kastila hanggang sa pagbabagong pinagdaanan nito sa ilalim ng mga kolonisador at imperyalistang Amerikano at Hapon, hanggang sa kontemporanyong produksyon ng mga kasalukuyang nobelista. Ang papel na ito ay tinatayang ambag sa patuloy na pag-aaral ng tradisyon ng nobela sa Pilipinas, gamit ang isang nobelang nagmula sa rehiyon ngunit nakasulat sa wikang Filipino, ang nobelang Lumbay ng Dila (2010) ni Genevieve L. Asenjo. Bilang ambag sa pagpapaunlad ng pag aaral ng nobela, sinuri ng papel na ito ang iba’t ibang politika o relasyong pangkapangyarihan na nagtatalaban sa nobelang Lumbay ng Dila. Bilang isa sa mga kontemporanyong nobela, masisipat sa Lumbay ng Dila ang mayamang talaban ng mga politika o relasyong pangkapangyarihan. Sa partikular, ipinakita sa papel ang politika ng wika, politika ng espasyo, politika ng katawan at politika ng kasaysayan – at kung paano nito hinulma ang proyekto ng bansa bilang isang nobela.