Susing salita: Social Science, History, Humanities, Women’s Studies, Local History
Ang papel na ito ay isang pagtatangkang makapag-ambag sa Kasaysayang Pampook at Kasaysayang Pangkababaihan. Sa kadahilanang ang Kasaysayang Pambansa ay kadalasang nakasentro sa mga temang pinangungunahan ng kalalakihan katulad ng pagbubuo ng bansa at rebolusyon, mas naitatampok sila sa kasaysayan. Kung nababanggit man ang kababaihan sa kasaysayan, ito ay sa mga pagkakataong “nagpakalalaki” sila—ibig sabihin, kung ginampanan nila ang papel na kadalasang iniuugnay sa kalalakihan. Sa Kasaysayang Pampook, may pagkakataong mas mapalitaw ang papel ng kababaihan sa kasaysayan, lalo na kung lalapatan ng mga larangang mas pinangungunahan ng kababaihan katulad ng panlipunan at pampamayanang gawain at pang-araw-araw na pamumuhay. Kung kaya’t sa papel na ito, tatalakayin ang pananaw na mainam gamitin sa pananaliksik tungkol sa kababaihan sa Kasaysayang Pampook, gayundin ang mga paksaing magpapalitaw sa ambag ng kababaihan sa kasaysayan at mga pamamaraan upang makakalap ng datos tungkol sa mga paksaing ito.