Isa ang comedy show na Bubble Gang ng GMA 7 na patuloy na umeere sa telebisyon at hindi maikakailang patuloy pa rin ang pagtaas ng ratings nito bagaman maituturing na late night programming. Gayunpaman, mapapansin na hindi lamang ginagamit na pangunahing bentahe ng palabas ang pagpapatawa ngunit kapansin-pansin din ang pagtatampok sa pisikal na pangangatawan ng mga artista. Sa kasalukuyan, patuloy na inilalangkap ng programa ang tahasang pagpapakita ng mga halos hubad na katawan ng mga artista (kapwa babae at lalaki) hindi lamang para magpatawa kundi para gisingin at pataasin ang seksuwal at sensuwal na pag-iisip ng mga kumokonsumo (manonood) nito. Nagiging daan ang paglalangkap na ito upang patuloy na manaig ang pag-iisip na patuloy na bumebenta at tinatangkilik ang programa na nagpapakita ng seks. Sa pagbasang tekstuwal sa mga segment ng Bubble Gang, itinatanghal ang mga pisikal na katawan bilang komoditi na nagiging daan sa komodifikasyon sa mga artista.