Ang usapin ng pagkonsumo: ang pagkonsumo ng tao sa mga produkto; ang pagkonsumo ng tao sa kanyang sarili; ang pagkonsumo ng produkto sa tao; at ang pagkonsumo ng mga negosyante sa kanilang mamimili. Ang sistemang ito ang lantad na nagaganap at nagpapatuloy hanggang ang pera ay patuloy ring pinaiikot at ginagamit sa hindi malay o hindi pinag-isipang pamamaraan. Layunin ng pag-aaral ang paglalantad sa mga kadahilanan kung paano natutuyo ang indibidwal, may kapansanan man o wala, sa kulturang popular. Tinalakay din ang kaganapang may kinalaman sa pagkakaroon ng kapansanan tulad ng pagkabulag, pagkabingi, at pagkapipi ng mga tao sa kulturang popular at tutugunan ang mga ito sa paghahanap ng mga naging sanhi kung bakit nangyayari ang mga ito. Samantala, panayam, obserbayon, pagtatanong-tanong, at pagsusuri ang ginamit metodo sa pag-aanalisa ng mga nalikom na datos. Sinuri ang tuyo (dried fish) bilang metapora ng taong nagtatampisaw sa masaklaw na kalupaan ng kulturang popular. Napatunayan sa pag-aaral na tuyo ang katawan ng tao kaya kailangan itong buhayin sa pamamagitan ng pagkonsumo subalit habang binubuhay lalo itong natutuyo. Lumabas din na ang pagtingin sa mga mamimili ay mga produkto na kailangang gamitin at pagkakitaan. Para sa mga negosyante, tao ang produkto at produkto ang tao. Kailangang mabuhay ang produkto at ang magbibigay buhay nito ay ang konsyumer. Samakatuwid, binubuhay ang produkto at tinutuyo ang tao.