HomeDALUMAT E-Journaltomo 5 bilang 1 (2019)

PANITIKANG MAPAGPALAYA O MANDARAYA? ISANG HOLISTIKONG KRITIKA SA KASALUKUYANG PANITIKANG GINAGAMIT SA PAGTUTURO NG FILIPINO SA BAITANG 7-10

Henry Leen A Magahis

 

Abstrak:

Malaki ang ginagampanang papel ng paggamit ng panitikan sa pagtuturo ng Filipino. Nagiging instrumento ito sa paglinang at pagpapayaman ng karanasan sa pagbasa ng mag-aaral. Sa tulong ng masusing pagpili ng mga tekstong gagamitin sa klase ay mahuhubog sa mag-aaral ang isang mapagpalayang kaisipan na sa takdang panahon ay magpapakilos sa kaniya upang makapagbigay ng mahalagang papel sa kaniyang lipunan. Subalit ang suliranin ay halos lahat ng mga tekstong pinababasa sa kasalukuyang kurikulum ay mula sa dayuhang teksto na isinalin lamang sa Filipino. Mula Baitang 7-10, sa dalawang taon lamang ipinababasa ang ating mga panitikang pambansa at ang natitirang mga taon ay puro na pagpapabasa ng mga dayuhang panitikan na nagsisimula sa Asyanong Panitikan patungo sa mga Pandaigdigang Panitikan. Bukod sa itinuturo na ang mga tekstong ito sa asignaturang Ingles, ang mga babasahing ito ay tila naghihikayat at nagbebenta ng ideolohiyang maganda ang ibang bansa at mayaman ang kanilang kultura. Kaya naman, sa halip na malinang ang makabayang damdamin ng mag-aaral ay mas nangingibabaw sa kaniya ang damdaming umalis sa sariling bayan upang maranasan ang aktwal na karanasang hatid ng kaniyang binasang panitikan. Dahil dito, ninanais ng mananaliksik na maisagawa ang mga sumusunod na layunin sa papel na ito: Una, masuri ang kasalukuyang panitikang ginagamit sa pagtuturo ng Filipino sa Mataas na Paaralan, at Ikalawa, makapagmungkahi ng mga alternatibong babasahing pambansa na magpapayaman sa makabayang damdamin ng mga mag-aaral.