Pangunahing layunin ng pag-aaral na ito na balangkasin at suriin ang mga pagpupunyagi ng Sentro ng Wikang Filipino Diliman bilang isang institusyong pangwika na pamahalaan ang wikang Filipino bilang wika ng akademya sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman batay na rin sa itinakda ng Patakarang Pangwika ng UP. Sa pamamagitan ng mga pag-aaral at teoryang pinalaganap ni Bernard Spolsky ukol sa Language Management, na tatapatan ng terminong pamamahalang pangwika sa pag-aaral na ito, sinuri ang mga naging hakbangin at organisasyon ng mga tungkulin at gawain ng Sentro ng Wikang Filipino sa Unibersidad gamit ang SWOT (Strengths, Weaknesses, Opportunities, at Threats). Hinimay ang mga proyektong nagawa ng SWF sa ilalim ng mandatong pagyamanin at paunlarin ang paggamit ng wikang Filipino sa Unibersidad na umikot sa nomenklatura, pagpapatatag ng ugnayan sa mga ahensiyang pangwika at organisasyong kultural, pagpapayaman ng terminolohiya, at mga publikasyon. Sakop ng pag-aaral ang panahong matapos ang debolusyon ng SWF noong 2001 mula sa pamunuan ni Dr. Galileo Zafra noong 2001 hanggang kay Dr. Rommel Rodriguez na nagtapos noong 2019. Sa pamamagitan ng pagsuri sa mga dokumento tulad ng mga End of Term Report, mga proposal ng proyekto at katitikan ng mga pulong, nataya ang mga naging pagpupunyagi ng SWF Diliman na maging tagapamahala ng wika sa UP.