Discipline: Psychology, Social Science
nabatid na hangganang ito, nabigyan ng diin ang kahalagahan ng historikal at kultural na kontekstong pinapalooban ng mananaliksik. Ang mga nagdadalubhasa sa di-kanluraning bahagi ng mundo ang siyang masidhing nakakaranas ng ikalawang krisis dahil nasa kanilang mga kamay ang paghubog ng kaalaman na bunga ng pakikilahok sa kanilang sariling mga kultura. Kaya ang proseso na kanilang sinusulong tungo dito ay ang proseso ng pagsasakatutubo ng kanilang mga disiplina. Ang Sikolohiya naman ang siyang matinding nakakaranas ng pangalawang krisis dahil sa mga nabanggit na taglay nitong kalangian at kahinaan. At sa mga nakikitang kasalukuyang gawain sa Sikolohiya, lalo na sa ating bansa, masasabi na laganap at nagpapatuloy pa rin ang una at ikalawang krisis sa agham panlipunan sa disiplina ng Sikolohiya. Ang ibig sabihin: patuloy pa ring tinitingnan ang paksaing sikolohikal bilang paksaing agham pangkalikasan na mahihiwalay sa kahulugang maibibigay ng taong nakakaranas; patuloy pa ring tinitingnan ang penomenong sikolohikal mula sa perspektibo o pagpapakahulugan ng isang kulturang hiwalay o naiiba sa kulturang pinapalooban ng mananaliksik.