Ang pag-aaral na ito ay isinagawa upang tuklasin at alamin ang kalagayang pangwika partikular na ang pagkilala sa kung anong barayti ng wikang Filipino ang mas ginagamit ng mga manunulat sa paglikha ng balita o lathalaing pumapaksa sa showbiz. Binuo ng dalawang bahagi ang isinagawang pag-aaral na ito tungkol sa barayti ng wikang Filipino sa pagsulat ng balita at lathalaing panshowbiz sa mga tabloid. Ang mga peryodikong pinaghanguan ng mga salita bilang korpus ng pag-aaral ay ang limang Tabloid: Balita, Bulgar, Pang Masa, Abante Tonite at Pilipino Star Ngayon. Itinala at inuri ang mga leksikal na aytem ayon sa apat mula sa pitong tepolohiyang nabuo salig sa pinagsama-samang pananaw nina Haugen (1966), Weinrich (1981), Rodman (1988), at Enriquez (1985). Ito ang apat na patern na ginamit sa pag-aaral na ito: Hiram-Ganap (HG), Hiram-Paimbabaw (HP), Hiram-Sanib (HSb), HiramDaglat (HD). Inuri ng mga mananaliksik ang mga barayti na ito sa tatlong kategorya batay sa morpolohikal na aspeto: Purong Tagalog, Filipino-Ingles o Asimiladong Filipino at Sosyolek. Natuklasan sa pananaliksik na ang pinakamaraming salitang naitala bilang halimbawa para sa hiram-ganap at malawak ang paggamit ng mga manunulat at kolumnista ng balita o lathalaing panshowbiz sa Asimiladong Filipino o Filipino-Ingles bilang barayti ng wikang Filipino na makikita at mapapansin sa mga pangunahing peryodiko.