Sa multilingguwal at multikultural na lipunang Filipino, may pangangailangan na mapalalim ang ating kaalaman sa pamumuhay ng iba’t ibang sektor sambayanan at ang pananaw ng bawat etnolingguwistikong grupo sa bansa sa wika at kultura ng isa’t isa. Bilang ambag sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino, ipinakikilala ng papel na ito ang teorya ng akomodasyon sa komunikasyon at mga konsepto ng ‘pagtagpo’ at ‘paglayo’ bilang batayang kaisipan sa araling pangwika at komunikasyon sa Pilipinas. Nilalaman din ng publikasyong ito ang rebyu ng mga kaugnay na literatura na gumamit ng nasabing teorya sa konteksto ng Pilipinas kung saan napag-alamang mayorya sa mga pag-aaral ay tungol sa ugnayan ng wikang Filipino at mga panlipunang sitwasyon. Nagbigay rin ang may-akda ng mga rekomendadong paksa kung saan magagamit ng mga Filipinong mananaliksik ang teoryang ito sa mga larangan ng araling pangkalusugan, legal, kultura, at wika.