Jeanette M. Baquing | Rey D. Manalo | Rachele C. Espeleta
Tinalakay ng pag-aaral ang istruktural na pagkakaiba ng ayos ng pangungusap ng Kapampangan kung ihahambing sa Filipino. Saklaw nito ang pagsusuri sa uri ng pangungusap (di-predikatibo at predikatibo); ayos ng pangungusap (karaniwan at di-karaniwan); kayarian ng pangungusap (payak, tambalan, hugnayan at langkapan); at pinakapandiwa (pagbabago at pokus ng mga pandiwa) na mapapansing may tiyak na gamit at layon sa pangungusap ng mga Kapampangan. Ang istruktura ng pangungusap sa Kapampangan ay mauuri sa dalawa, predikatibo at di-predikatibo na parehong laging nasa karaniwang ayos na nauuna ang panaguri bago ang simuno. Isa itong natatanging kakanyahan ng sintaks ng Kapampangan kung ihahambing sa Filipino. Pandiwa, pang-uri at pang-ukol ang mga bahagi ng pananalitang ginamit sa mga sinuring predikatibong pangungusap sa Kapampangan. Sa kabuuan, ang pag-aaral na ito ay isang panimulang pagkatuto sa istruktura ng wikang Kapampangan na ikinumpara sa Filipino na makalilinang ng mga kaalaman sa makabuluhang paggamit ng mga pangungusap na makatutulong sa iba’t ibang komunikatibong sitwasyon at larangan para sa mga nagsisimula o nagnanais pag-aralan ang etnikong wikang ito. Makatutulong din ito sa patuloy na pagpapalago ng wikang Filipino bilang nuklyus ng mga umiiral na wika sa Pilipinas.