Michelle Y. Buñag | Sarah Y. Buñag | Rosavel M. Casera
Ang pag-aaral na ito ay naglayon na malaman ang malimit na istres ng mga mag-aaral mula sa kolehiyo ng Colegio De San Juan De Letran Calamba. Layunin ng pag-aaral na ito na malaman ang malimit na dahilan ng istres ng mga mag-aaral, maipakita ang epekto ng istres sa mga mag-aaral, mailahad ang mga pamamaraan na ginagawa ng mga mag-aaral upang malampasan nila ito at makapag-ambag ng panibagong pamamaraan na nakababawas sa istres ng mga mag-aaral sa kolehiyo sa pamamagitan ng programang pang- interbensyon. Ito ay ginamitan ng mixed method na sequential explanatory na sumasailalim sa kwalitibo at kwantitibong pananaliksik at ang mga napiling kalahok ay mula dun mismo sa kanilang paaralan. Ang mga kalahok na ito ay mula sa ikatlo hanggang ikaapat na taon sa kolehiyo. Isinagawa ang pangangalap ng datos sa pamamagitan ng deskriptibong metodo, thematic analysis at key informant interview. Sa pag-aaral na ito, ipinakita ang kanya-kanyang istres ng mga mag-aaral lalo na sa pang-akademiko na relasyon. Nawawalan sila ng pokus, motibasyon at oras ang nagiging epekto sa kanila ng istres bilang isang mag-aaral. Nagdarasal, nakikipag-usap sa mga magulang at kaibigan at minsan dinaraan sa mga gawain kung saan nababawasan ang kanilang istres kagaya ng paglilibang ang ginagawang nilang pamamaraan. Mula naman sa ginagawa ng paaralan kaugnay sa nararanasang istres ng mag-aaral ito ay binibigyan pokus ang isang programa kung saan magkakaroon ng one on one interview sa pagitan ng estudyante at guidiance counselor kung saan inalam nila mula sa estudyante kung ano ang kanyang pinagdaraanan na problema, saan ito nagmumula o kung ano ang pinagmumulan ng kanyang problema at itatanong kung paano sila makatutulong sa estudyante. Sa pag-aaral na ito ay nabuo ang limang rekomendasyon ng mga mananaliksik. Una ay para sa mga mag-aaral, ito ay makapagbibigay gabay sa mga mag-aaral na nakararanas ng istres sa iba’t ibang sanhi o dahilan, kung saan ang mga impormasyon dito ng mga mananaliksik ay makatutulong o makapagbibigay ng mga ideya o estratehiya sa mga mag- aaral patungkol sa mga pamamaraan na makababawas sa kanilang istres. Ang pangalawang rekomendasyon ay para sa tagapaggabay ito ay makapagbibigay ng dagdag impormasyon sa mga tagapaggabay ayon sa mga nakalap na datos sa iba pang mga nagiging sanhi ng istres ng mag-aaral na kung saan ang mga mananaliksik dito ay mag-aambag ng mga makabagong pamamaraan na mga aktibidad o paggawa ng tinatawag na SLE (Structured Learning Experience Activity) para sa mga estudyante sa kolehiyo na nakararanas ng istres sa kanilang pag-aaral. Ang pangatlong rekomendasyon ay para sa mga magulang ito ay makapagbibigay impormasyon din sa kanila bilang mga magulang tungkol sa nararanasang istres ng kanilang mga anak upang mabigyan ng pansin at magabayan pa ang mga bata sa pamamagitan ng pagbibigay ng oras upang kausapin, pakinggan at paigtingin pa ang relasyon bilang magulang sa kanilang mga anak. Ang pang-apat na rekomendasyon ay para sa mga mambabasa, maaaring gawing gabay ang pag-aaral na ito upang mas mapalawak pa ang kanilang kaisipan sa pagkaya at pagtatagumpay na malampasan ang istres na kanilang nararanasan sa kanilang buhay. Ang panghuling rekomendasyon ay sa mga susunod na mananaliksik, iminumungkahi ng mga mananaliksik na magkaroon pa ng mahusay na pag- aaral ukol sa istres na isa sa matinding suliranin. Gawin nila itong gabay upang makapag- ambag pa ng mahahalagang impormasyon para sa mga mag-aaral na siyang pokus at nakararanas ng istres. Hindi man lubusang mawawala ang suliraning ito ngunit magiging magaan ang pagdadala nito sa buhay lalo na ng mga mag-aaral.