Discipline: Literature, Sexuality
NAKAHULMA ang pundasyon ng lektyur na ito sa isang suhay na sisikapin nating itukod sa kamalayan ng babaeng matagal nang ikinulong sa dilim, at kung gayon ay hindi pa makatingin nang diretso sa liwanag. Ang suhay na ito na ikakatig natin sa kamalayang babae ay isang paglalantad ng mga hangganan ng kanyang potensyal o hangganan ng kanyang mga pangarap, batay sa mga bansag at iba pang mga pananda sa wika na ipinamana sa kanya. Tatangkain nating tukuyin kung paano nagiging pananda ng kamalayan at ng realidad ng babae ang kanyang posisyon kaugnay ng bahay, at ang kanyang pagkakaroon o kawalan ng isang relasyong sekswal sa isang lalaki. Sisikapin nating buuin ang isang basag na kamalayan sa pamamagitan ng pagbasag sa mga mitong nilikha ng wika para sa babae.