HomeThe Journal of Historyvol. 46 no. 1 - 4 (2000)

Uri at Kasarian ng Pag-aalsang Tayug (1931)

Raymundo D. Rovillos | Wilfredo V. Alangui

Discipline: History

 

Abstract:

Marami nang naisulat tungkol sa “Tayug Uprising” noong 1931 (Guerrero 1967; Sturtevant 1976). Pero hindi napalalim ng mga ito ang pagsusuri sa papel ng kababaihang “Kolorum,” kahit na malinaw ang naging partisipasyon ng mga babae sa pag-aalsang ito. Layunin ng papel na punan ang pagkukulang sa istoryapiya ng kilusang magsasaka sa Pilipinas: ang pag-iisantabi sa kababaihan.

 

Mahalaga ang pagbabalik-tanaw sa pag-aalsa sa Tayug, Pangasinan, dahil maraming kategorya/ salik na maaring magkakaugnay kung lalapatan ng angkop na interpretasyon. Una, bilang isang kilusang agraryo, matingkad ang maka-uring katangian ng kilusang ito. Pangalawa, maraming (14) kababaihan ang sumali dito; matingkad ang papel ng isang lider na si Valentina Vidal, isang magsasaka, na tinaguriang “Henerala.” Ikatlo, ang ideolohiya ng kilusan ay nakaugat sa tradisyon ng mga pag-aalsang milinarya at mesiyaniko sa Pilipinas (i.e., ang papel ng relihiyon sa kilusang agraryo). Layunin ng papel na ipakita ang salubungan at tensyon ng uri, kasarian at ideolohiya (pandaigdig na pananaw) sa kaso ng pag-aalsang Tayug.

 

Maliban sa mga pangunahin at sekundaryong dokumento, ang datos sa pag-aaral ay nagmula sa mga kababaihang may kaugnayan sa pangyayari noong 1931. Mula sa kanilang tinig at pati na sa katahimikan (silences), mabubuo ang pagsasakasaysayan noong pagaalsa sa pananaw ng kababaihan.