Susing salita: Social Science
Sa kasalukuyan, bagama’t kinikilala nang ang kalakalang galyon ay isang negosyong nilahukan at naging monopolyo hindi lamang ng pamahalaang Espanyol kung hindi maging ng mga mangangalakal na Mexicano at Tsino, nananatili ang puwang ukol sa kung ano ba ang naging kontribusyon dito ng mga Pilipino. Higit pa sa pagiging daanan ng galyon, hindi lamang ang istratehikong lokasyon ng Pilipinas ang naging pakinabang nito sa kalakalang galyon. Sa 250 taon (1565-1815) nitong paglalayag, maraming katutubong Pilipino ang sumampa rito, boluntaryo man o sapilitan, upang magtrabaho bilang mga marino. Sa katunayan, sila ang mayorya ng miyembro ng tripulasyon. Dito ay nagsilbi sila bilang mga ordinaryong marino, aprentis, at utusan. Ngunit ang galyon bilang ekstensyon ng kolonya ng Espanya sa Karagatang Pasipiko ay naging isang espasyo rin para sa pagpapatuloy ng hindi pantay na ugnayang pulitikal, pang-ekonomiya, at sosyo-kultural sa pagitan ng mga Espanyol at katutubo. Manunuot ito sa pang-araw-araw na buhay sa galyong ginagabayan ng mga patakaran at mahigpit na sumusunod sa herarkiya ng pamunuan. Sa pamamahagi ng pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, kasuotan, at espasyo, makikita ang matingkad na pagkakahati sa pagitan ng mga Espanyol at katutubo. Gayumpaman, sa paglitaw ng mga suliranin sa loob ng galyon na bahagi rin ng pang-araw-araw na reyalidad ng mga tripulante at pasahero, unti-unting maglalaho ang herarkiyang humahati sa kanila. Kapwa nila mararanasan ang pagkagutom, pagkabagot, pagkakasakit, bagyo, paglubog ng barko, at iba pang sakuna; kapwa sila bilanggo ng galyon. Pagdating sa Mexico, tatangkaing tugunan ng mga katutubo ang kanilang pinagdaanang trawmatikong karanasan sa galyon.