HomeSaliksik E-Journaltomo 2 bilang 1 (2013)

Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas: Mga Piling Yamang Bayan ng Silang, Cavite na may Kinalaman sa Pananampalataya sa Panahon ng mga Heswita noong 1599-1768

Phillip N. A. L. Medina

Susing salita: Social Science

 

Abstrak:

Mula sa mga pangkasaysayang datos na naglalahad ng pagdating, pagtaguyod, at paglisan ng mga Heswita, sasalaminin ng artikulong ito ang mga maaaring mahugot na yamang bayan.  Tinatangkilik ang mga yamang bayan kung naglalaman ang mga ito ng mga katangian, kalinangan, karunungan, at kamalayan ng isang bayan.  Ang mga pag-uugnay sa kasaysayan, sining, at antropolohiyang pagbasa ang siyang magiging daan upang makabuo ang pag-aaral na ito ng isang imbentaryo ng mga yamang bayan ng Silang, Cavite sa panahong 1599-1768.

 

Ang buod ng pagdating ay gugunita sa simula ng pagsakop ng mga Heswitang Espanyol.  Hahanap ang pag-aaral na ito ng mga halagahing masasabing taal mula sa mga katangian ng mga katutubong Silang.  Ibabatay ang pagsusuri sa dinamiko ng malawak na katutubong teolohiya at gayundin sa mga limitadong datos hinggil sa sinaunang bayan at mga tao nito.  Mula rito, tatangkilikin ang pag-aaral ng isang yamang bayan na nakasandig sa isang kamalayang basal.  Magbubunsod naman ang pagtaguyod ng pananampalatayang Katolisismo ng panahon ng pagsupil sa mga katutubong kapamaraanan at karunungan.  Makikita ang puntong pagpapalit-pagpipilit ng mga Kanluraning modelo sa pagbuo ng isang kolonyang pamayanan at maging sa pagtaguyod ng misyon ng mga Heswita sa ngalan ng ebanghelisasyon gamit ang mga instrumento ng pananakop.  Mula ang yamang bayan na nabuo sa panahong ito sa tunggalian ng mga kamalayan at paglalagom ng mga karunungan at halagahin na makikita sa kolonyal na sining.  Panghuli, ang panahon ng paglisan ay tutuon sa mga nag-aanib-puwersang katutubo at kolonyal.  Sa loob ng halos dalawang daang taon ng pagkakalagi ng mga Heswita sa Silang, hahanap ang pag-aaral na ito ng mga yamang bayan na nagsanib mula sa mga karanasan ng nakakataas sa lipunan at maging ng pangkaraniwang tao.  Dito makikita ang mga yamang bayan na binuo ng mga magkakahiwalay ngunit magkakaugnay na kamalayang Pilipino bunga ng pagtangkilik sa Katolisismo na may pagtatangi pa rin sa mas malawak na Pilipinong ispiritwalidad.

 

Ang erihiya, retablo, at mga banal na hiyas ay itatampok upang mabigyan ng kulay ang bahaging ito ng kasaysayan ng bayan na may pagtatanto sa pinagbabago at nagbabagong kamalayan.  Bunsod ng pag-inog ng panahon sa hudyat ng pagsakop at pagsupil, sa pagtangkang pagpapalit-pagpipilit, at bunga ng pagyapos at pag-aanib ng mga puwersang katutubo at kolonyal, nagluluwal ang kamalayang Pilipino ng isang malawak at dinamikong ispiritwalidad na siya ring huhubog sa mga itataguring yamang bayan ng mga taga-Silang.