Susing salita: Social Science
Nagpapatuloy ba ang kamalayan mula sa sinaunang kalinangan hanggang sa kasalukuyang panahon tulad ng sinasabi ni Zeus Salazar at ng mga tagapagtaguyod ng Pantayong Pananaw? May mga konsepto/dalumat bang maituturing na maaaring maging susi ng pagkakakilanlan natin bilang isang bansa o ito ba ay pantasyang pananaw lamang? Sa pamamagitan ng pagtatanong sa 38 iba’t ibang pinuno ng mga maralitang tagalunsod mula sa isang non-government organization (NGO) sa kung ano ang kahulugan ng mga konsepto/dalumat ng kasaysayan, bayan, bayani, kapatiran, buhay, dangal, ginhawa, kaluluwa, anting-anting, babaylan, gahum, at libog—mga konseptong sinasabing nag-uugat pa sa sinaunang Sikolohiyang Pilipino, natuklasang marami sa mga pakahulugan ng mga maralitang tagalunsod na ito mula sa kasalukuyang bayan ang tugma sa mga kahulugang nasaliksik ng mga akademikong historyador at antropologo mula sa mga lumang diksyonaryo at etnograpiya. Sa nakalap na resulta ng unang pagtatangkang paghambingin ang pananaw ng mga akademiko at maralitang tagalunsod kaugnay ng mga sinaunang konsepto/dalumat ng bayan, makikitang malaki ang posibilidad na nagpapatuloy nga ang kamalayang bayan hanggang sa kasalukuyang panahon. Sa pangkalahatan, masasabing ang mga konsepto/dalumat na ito ang maaaring maging tungtungan upang mapag-ugnay ang mga maralitang tagalunsod at akademiko upang mag-usap ukol sa Kasaysayan ayon sa mga konsepto/dalumat na naiintindihan ng mas nakararaming Pilipino.