Susing salita: Social Science
Ang Angkor Wat sa Siem Reap, Cambodia at Borobudur at Prambanan sa Java, Indonesia ang ilan lamang sa mga hinahangaang malalaking gusali o templo sa Timog Silangang Asya. Maging sa mga karatig-bansa ng Pilipinas na gaya ng mga sibilisasyon ng Tsina at India, makikita rin ang malalaking gusaling kahawig ng mga nasa Timog Silangang Asya. Sa panimulang papel na ito na tatalakay sa isang malawak na paksain, aalamin ang mga kadahilanan kung bakit hindi makakakita ng mga ganitong templo sa ating kapuluan noong “Dating Panahon” (kapanahunan bago dumating ang mga kolonisador sa ating bansa). Maglalatag ng siyam na kadahilanan kung bakit walang malalaking gusali sa ating kapuluan noon. Pagtutuunan ng pansin bilang pangunahing konsiderasyon—ang papel ng Austronesyanong kosmolohiya at relihiyon ng ating mga ninuno—na tila hindi masyado, kung hindi man, watak-watak na nababanggit ng mga naunang nagsaliksik at nagsulat ukol sa paksa. Iuugnay ito sa ilan pang mahahalagang konsiderasyon sa konteksto ng Pilipinas at mga karating-bansa noong Dating Panahon. Sa pamamagitan ng pagtatampok sa mga katangian ng sinaunang kabihasnang Pilipino, na nakaugat sa Austronesyanong simulain, ipapakita rin sa panimulang papel na ito kung bakit hindi kahinaan o kasiraan ng ating lahi ang hindi natin pagtatayo noon ng malalaking gusali.