Susing salita: Social Science
Naipagpapalagay ng ilan na ang nakaraan ay isa diumanong malayong lupain. Magkaganito man, malaya itong marating ninuman sa pamamagitan ng pagbabakas o paggunita sa mga naiwang talang magagamit para sa pagbabalik-tanaw sa mga hibla ng mga pangyayari. Bilang kongkretong hakbangin sa paglingon at pag-alala, maisasagawa ang pangkasaysayang paggunita ukol sa makasaysayang panahon, mga pook na pinangyarihan, at pati na yaong mga nagsipagkilos upang maihabi ang makasaysayang kaganapan sa nakalipas na panahon.
Tunguhin ng sanaysay na itong maitampok sa pangkalahatan ang kinasasaklawang pook na pinangyarihan, multi-etnikong katangian ng Katipunan, pagtutulungan ng mga uring panlipunan sa loob ng kilusan, epektibong paggamit ng espasyong pangkapaligiran sa himagsikan, at pakikidigmang nakapook sa kinamulatang taktika ng pag-iilihan sa Kabisayaan.
Pinanindigang sa pamamagitan ng paglalahad na ito, may puwang ang bagong kaalamang maitatampok para sa muling pagsisiyasat sa kalikasan, katangian, at tunguhin ng himagsikang Pilipino sa pangkalahatan at sa lalawigan ng Capiz sa partikular. Inaasahang magbibigay-ambag ang sanaysay na ito ukol sa naging pagkilos ng mga Katipunero sa Capiz upang lalong mapapalawak, mas mabibigyang-laman, at higit sa lahat, mapapalalim ang salaysay o talastasan sa himagsikang Pilipino.