Susing salita: Social Science
Sa historiograpiyang Pilipino, maituturing na suliranin hindi lamang ang kakulangan ng puwang ng kababaihan sa pambansang kasaysayan kundi ang nilalaman ng mga salaysay na ito. Sa maraming pagkakataon, binibigyang-diin ang “tradisyunal” na papel ng kababaihan sa kasaysayan tulad ng pagiging tagaluto, tagatahi ng bandila, at/o tagagamot ng mga kawal sa panahon ng Himagsikan. Gayumpaman, sa patuloy na pagsusuri sa mga batis pangkasaysayan, makikitang higit sa “tradisyunal” na bahaging ginampanan ay ang matapang na pakikibaka ng kababaihan sa mga aktwal na labanan partikular na sa panahon ng Himagsikang Pilipino. Sa nasabing yugto, kalalakihan ang madalas na nagiging tampok sa mga salaysay at tila nagiging palamuti lamang ang kababaihan sa kabuuang daloy nito. Isang pagtugon sa suliraning nabanggit kung gayon, ang patuloy na pagtatampok sa talambuhay at mga karanasan ng kababaihan sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan. Sa paraang ito, inaasahang unti-unting mabibigyan ng salaysay na nararapat ang mga babaeng aktwal na nakipaglaban para sa kalayaan.
Tatangkain ng papel na ito na ilahad ang talambuhay at kabayanihan ni Trinidad Tecson sa aktwal na Himagsikan partikular na sa taong 1896 hanggang 1898 sa Gitnang Luzon lalo na sa mga labanan sa Bulacan at Nueva Ecija. Gayundin, bibigyang-pagkilala ang naging malay at kusang pakikisangkot hindi lamang ni Tecson kundi ng kababaihan sa kabuuan noong panahon ng Himagsikang Pilipino.