Susing salita: Social Science
Bilang bagong-tatag na simbahan noong mga unang taon ng ika-20 siglo, ang Iglesia Filipina Independiente (IFI) ay nagtangkang igiit ang impluwensya nito sa mga Pilipino gamit ang iba’t ibang pamamaraan ng lehitimasyon upang pagtibayin ang posisyon nito bilang pambansang simbahan ng sambayanang Pilipino. Sa maraming mekanismong maaaring makapagdulot ng malawakang epekto, kapansin-pansin ang pagbibigay-halaga at pagkilala ng simbahan sa kakaibang kapangyarihan ng musika upang palaganapin ang maalab na diwang makabayan ng mga nagtatag nito at mga kasapi.
Sa artikulong ito, uusisain ko ang kahalagahan ng musika sa IFI. Kasama rito ang paggamit ng mga simbolismo at representasyon na nakapaloob sa mala-ritwal na pagganap ng misang Aglipayano. Nakatuon ang pag-aaral sa komposisyon ni Bonifacio Abdon na binansagang Misa Balintawak, na maaaring maituring na isa sa pinakaunang kumpletong misa, kung hindi man ito ang pinakauna, na nasa wikang Tagalog. Susuriin ito bilang isang balangkas panlipunang ginamit ng simbahan upang maitaguyod ang kanyang presensyang pampulitika, lalung-lalo na sa pagbibigay-kahulugan sa pag-awit ng misa sa pampublikong espasyo kung saan ang simbahan ang nagmistulang entablado sa pagganap nito. Ang katangian ng Misa Balintawak, gamit ang malalalim na simbolismo, ay pag-aaralan upang mabigyang-linaw ang pag-intindi kung paano ito nakapag-ambag sa adhikain ng IFI upang ito ay kilalanin, tanggapin, at igalang bilang isang malayang simbahang Pilipino.