Marami na ang naisagawang pag-aaral hinggil sa relasyon ng Pilipinas at Hapon. Ngunit marami pa ring aspeto ng relasyong ito ang hindi pa nalalaman at kinakailangan pang saliksikin upang mas higit na
maunawaan ang kasaysayan nito. Sa pagkakalathala ng Japan Views the Philippines. 1900-1944, isang makabuluhang akda ang naidagdag sa kalipunan ng mga pag-aaral hinggil sa paksang nabanggit. Ang aklat na ito ay isang pagpupunyagi ng may-akda na mapunuan ang kakulangan ng mga datos hinggil sa ugnayan ng mga nasabing bansa noong unang apat na dekada ng ikadalawampung daantaon.