Isa ang pamilya Eseo sa tatlong unang grupo na nagbuo at kumilos bilang mga gerilya sa Lunsod ng San Pablo, Laguna noong kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa pamamagitan ng mga talang kasaysayan, mga dokumento, at mga panayam, isang pagtalakay ang ginawa sa mga pagbabagong panlipunan sa lunsod at ang posibleng mga naging motibasyon nito sa mga Eseo na makibaka bilang mga gerilya. Layon nitong suriin ang lawak ng impluwensya ng isang nagbabagong kapaligiran (ng isang lunsod sa kasong ito) sa kalipunan ng mga desisyong isinaalang-alang noong Ikalawang Digmaang Pandaigidig. Karagdagang layon nito na pukawin ang kamalayan at pagpapahalaga ng mga San Pableño sa partikular na bahaging ito ng kanilang kasaysayan.