Pagbubuo ng bayan sa pamamagitan ng kasaysayan at kalinangan upang makatugon sa hamon ng globalisasyon—maliwanag sa marami na ang ideal na ito ang layunin at pang-akit ng Pantayong Pananaw, isang eskwelang pangkaisipan sa pag-aaral ng asaysayan at kultura ng Pilipinas. At wala nang iba pang pook sa mundo kung saan litaw na litaw ang globalisasyon kundi sa hinirayang espasyo ng cyberspace. Buhay ba ang Pantayong Pananaw, na dinalumat ni Zeus A. Salazar at patuloy na pinapanday ng bagong henerasyon ng mga historyador at akademiko, bilang isang diskursong pangkasaysayan sa cyberspace? Ito ba ay makahaharap sa hamon ng globalisasyon ng ika-21 dantaon? Isang pagsusuri ng mga bahay-dagitab at blog entries sa mga huling bahagi ng 2007 ang makasasagot ng OO sa mga tanong na ito.