HomeDALUMAT E-Journaltomo 3 bilang 1-2 (2012)

E-Filipino: Ang Pagtuturo at Pagkatuto ng/sa Wikang Filipino Sa Sistemang Open and Distance Learning

Jayson De Guzman Petras

 

Abstrak:

            Kadikit ng panahon ng Information and Communication Technologies (ICT) ang pagpasok sa ating kamalayan at lipunan ng mga terminong gaya ng e-Learning, e-Commerce, e-Government, knowledge-based society, knowledge-based economy, information society, paperless society, information economy, attention economy at iba pang techno-terms (Librero, 2008). Sa panig ng akademya, nagresulta ang ICT ng pagbabago maging sa sistema ng pagtuturo at pagkatuto sa wikang Filipino. Isa sa mga kongkretong patunay nito ay ang pagkakaroon ng asignaturang isinasagawa sa wikang Filipino sa UP Open University (UPOU). Mula sa personal na danas ng mananaliksik hanggang sa mga kaugnay na literatura hinggil sa Open and Distance Learning (ODL), sinusuri sa papel na ito ang iba’t ibang salik sa pagtuturo ng/sa wikang Filipino kaugnay ng mga isyung pang-mag-aaral, estratehiya sa pagtuturo, at Internet bilang pangunahing paraan ng pakikipag-ugnayan. Upang tugunan ang layunin, ipaliliwanag sa papel ang kabuuang sistema ng ODL at ang kontekstuwalisasyon nito sa Pilipinas, partikular sa UPOU. Ilalahad din sa pag-aaral ang katangian ng mga mag-aaral ng UPOU kaalinsabay ng inaasahang katangian ng isang ODL teacher. Sa ganang ito, magiging tungtungan ng pananaliksik ang ugnayang akademiko sa distance education na tinalakay ni Moore (1989). Mula rito, bibigyang-diin ang epektibong pagbubuo ng mga gawain sa pagtuturo/pagkatuto ng mga aralin sa wikang Filipino sa ODL at ang paggamit ng software na Moodle. Inaasahang sa pamamagitan nito ay mabibigyang-ideya ang mga mambabasa sa kabuuang sistemang ODL bilang lunan ng pagtuturo ng/sa wikang Filipino sa makabagong panahon.