Discipline: Economics
Bawa't isa sa atin ay may kanya-kanyang pananaw tungkol sa ekonomiks. Kadalasan kapag naririnig natin ang salitang ito, ang diwa ng kalakalan, pera, pagtaas ng presyo, pambansang produkto, bilihan ng stock, pamumuhunan at kawalan ng trabaho ang siyang pumapasok sa ating isipan. Marami rin sa atin ang nakasaulo ng isang depinisyon na ipinukpok sa ating mga ulo noong tayo'y nasa mataas na paaralan. Ayon dito, ang ekonomiks ay isang pag-aaral tungkol sa paggawa at paggamit ng kayamanan. Memoryado natin ito ngunit iilan ang nakakaunawa sa mahahalagang implikasyon ng depinisyong ito. May iilang ekonomista namang naglalarawan sa ekonomiks bilang anumang gawaing pinagkakaabalahan ng mga ekonomista. May kayabangan ang depinisyong ito sapagkat sinasakop na nito ang halos lahat ng bahagi ng araling panlipunan. Marami sa ating mga ekonomista ay nasa kalakalan, pamahalaan, unibersidad, surian at iba pang sektor na kung anu-ano ang pinagkakaabalahan. Sila ay tinatawag upang tumulong sa paglutas ng sari-saring problemang panlipunan, ngunit marami rin ang nagsasabi na sila ang nagpapagulo ng mga problemang ito. Hindi lamang may kayabangan ang depinisyong ito kundi mahirap ding gamitin bilang isang pamantayang depinisyon.