Discipline: Psychology, Sexuality, Gender
Ang penomenon ng pagtatakda o pagbabansag ay nagpapahiwatig na isang uri ng pakikitungo kung saan ang isang tao ay nagpapamalas ng kakayahang magtaguyod ng puwersa at ang isa nama'y walang tutol sa pag-ako o pagsunod sa bansag. Papaano kung ang nagbabansag(labeler) at ang nababansagan (the labeled) ay iisang tao lamang? Magkukubli ba ang nagbabansag para hindi siya mabansagan mismo o gagamitin ba niya ang kanyang puwersa para lalong maintindihan ng mas nakararami kung anu-anong kamalian-kasamaan ang inaabot ng isang nababansagan. Ang artikulong ito ay may penomenolohikal o panloob na pananaw at ang ginamit na pormat ay liham upang higit na mapatingkad ang makataong pakikisalamuha ng mga binansagang homosekswal. Sa liham, matutunghayan ang mga pala-palagay tungkol sa uri, dahilan, suliranin, at kalutasang nababagay sa alternatibong sekswalidad. Naipahiwatig rin na hindi ang homosekswalidad per se ang nagiging puno't dulong dahilan kung bakit marami ang hindi pa umaapruba dito, kundi ang tatlong ugali na madalas na kaakibat dito: ang pagkukunwari, ang pagmamalabis na pagkamahilig at ang pagkaiskandaloso. Maraming mga konkretong pagpapamalas ng kaayusan ng pagkatao kahit iba pa ang kinikilingang sekswal. Ito ang nais ipahayag ni Gino, na siyang lubusang nakauunawa dito.