Discipline: Psychology, Filipino Music
Ang paksang aking tatalakayin ay matagal ko na ring pinagisipang gawin ngunit sa kawalan ng panahon ay nanatili sa isip lamang. Sa loob ko, nasabi kong madali lang ito. Hindi ko pala alam kung gaano kahirap ang gagawin ko.
Unang-una, kinakailangan ko ng mga awiting Bikol na pagaaralan. Hindi sapat iyong mga alam ko. Pinilit kong alalahanin iyong mga naririnig ko sa aking pagkabata ngunit marami ang hindi ko na talagang mabuo. Kinakailangan ko sa pag-aaral na ito. Nagtanung-tanong ako ngunit marami sa napagtanungan ko ay walang alam tungkol sa mga katutubong awitin. Ang alam nila ay mga awiting kanluranin kagaya ng mga inaawit ni Vanilla Ice o kaya'y mga awit ni Madonna.
Hindi ko talaga inaasahan ang pangyayaring ito at nakalulungkot wariin na ang mga awiting kinagisnan ay mawawala na lamang na parang isang bula, mga awiting bumubuo ng isang mayamang pamana. Ayon kay Padre James O'Brian (1956), hindi masisisi ang mga kabataan kung sila man ay walang alam sapagkat nagkulang din ang kanilang mga guro, mga magulang, mga paaralan, at ang pamayanan sa pagkalap, pag-ingat, at pagpapalaganap ng makulay at mayamang kasaysayan at kalinangan ng nasabing lalawigan.
Nagtungo naman ako sa mga aklatan doon at napag-alaman ko na ang mga mahahalagang kaugnay na panitikan ay wala na roon at narito na sa Maynila o di kaya'y nasa mga private collection.