Discipline: Education, Social Science, Sociology
Buong siglang tumutugtog ang Banda '96, bantog na musikong bumbong ng Cabiao, Nueva Ecija. Patungo ang mga ito sa Bahay-Pamahalaang Panlalawigan ng San Isidro na noon ay kinikilalang sentro ng kapangyarihan ng mga Kastila. Sinimulan ng pagbatingaw ng kampana ng simbahan ang pagmamartsa ng halos apatnaraang kalalakihan. Ang balita'y haharanahin ng mga ito si Koronel Leonardo Val, ang Gobernador Sibil ng Nueva Ecija, upang ipakiusap na palayain na ang mga kababayang Katipunerong insurekto na napipiit. Kabilang ang Nueva Ecija sa walong lalawigan na napailalim sa Batas Militar. Isang buwan pa lamang ang nakalilipas nang ideklara ni Gobernador Heneral Ramon E. Blanco ang kalagayang estado ng pakikidigma nang matuklasan ang lihim na Bagong Aklat na kinatalaan ng pamunuan at mga kasapi ng KKK na itinatag ni Gat Andres Bonifacio (Pahayagan ng Bayan I994: I2).