Kung ang buhay ni Hernandez ay maihahalintulad sa isang epiko, ang kabayanihan, ang gilas, at ang lakas ng bayani ay nagmumula hindi sa tikas ng katawan at kagilagilalas na katangian. Bumubukal ito sa timyas ng paglalaragway niya ng isang lipunang matatag at maunlad dahil umiiral ang "Pilipinismo, Demokrasya, at Hustisya SosyaL" Ang laragway na ito ng Pilipinas ang hahabi ng kanyang panulat. Ang laragway na ito ang salamisim ng kanyang panlipunang pakikibaka. At ang birtud ng bayani ay ang kanyang salita, ang pagiging tapat sa kanyang mga salita. Ito ang birtud na lilikha ng masalimuot, mapanganib, ngunit makabuluhang b1J1Iay ng isang peryodistang magiging makata, lider-manggagawa, detenidong-"politikal, lingkod-bayan, at intelektuwal ng sambayanan. At sa lahat ng danas na ito, mamumutawi ang katangian ng integridad at kadakilaan.