Discipline: Education, Filipino, Art, Sociology, Cultural Studies, Sex Education
Isang deskriptibong pag-aaral ito na naglalahad ng nalalaman ng mga lalabintaunin tungkol sa sexually transmitted infection o STI partikular ang HIV/AIDS kaugnay ng panahon ng pag-unlad sa aspektong pansarili, pang-sekswalidad, at pansosyal. Ginamitan ng pagtatanong-tanong ang pananaliksik na ito sa paghahagilap ng datos sa larangan, at sinuri ang mga sagot sa kwalitatibong pamamaraan. Sa mga umpukan isang panahon ng tag-araw, tinanong-tanong ang mga kabataan sa mga lungsod sa Kamaynilaan at piling nayon sa lalawigan tungkol sa kanilang libangan, ligawan, lambingan, pati ang tungkol sa libog. Nabatid na sa may 243 mga binata, binatilyo, dalaga, dalagita't dalaginding ang nananatiling kinatatakutan ang mga sakit kaugnay ng sekswalidad lalo na ang HIV/AIDS; kabilang din ang mga sakit gaya ng tuberculosis o cancer, gayundin iyong may kinalaman sa aspektong sosyal, halimbawa'y bunga ng pandidiri pag-iwas ng iba sa kanila. Marami sa kanila ang salat ang kaalaman tungkol sa banta ng pagkalat at pagpigil ng HIV/AIDS. Pinatibayan ng mga literaturang naipon ang nananatiling "feminized" at "stigmatized" na pananaw ng mga lalabintaunin lalo na ng mga lalaki sa HIV/AIDS at ang mga nakakabagabag na kanilang pag-uugali kaugnay ng kanilang sekswalidad na maaaring maglagay sa kanila sa tiyak na kapahamakan ng pagkahawa at pagkalat nito. Kahit pa nga marami na ang nalalaman tungkol sa HIV/AIDS laganap pa rin ang maling kabatiran tungkol dito.