Nananatiling isa sa mga kontrobersyal na lider-rebolusyonaryo si Tan Malaka sa kasaysayan ng Indonesia. Sa kabila ng pagkilala sa kanya ng estado bilang isang pambansang bayani, sadya rin siyang binura ng estado mula sa kolektibong alaala nito sa loob ng tatlong dekada dahil sa kanyang diumano’y maka-Komunistang pananaw. Nakatulong ang repormang demokratiko ng Indonesia sa muling pagtuklas kay Malaka. Naging bahagi sa proseso ng muling pagpapakilala sa madla sa kasalukuyang henerasyon ang pagbabago ng kanyang imahen mula sa isang maka-Kaliwang kalaban ng estado patungo sa pagiging “Ama ng Republika ng Indonesia.” Makikita ang patuloy na proseso ng pag-angkin kay Malaka sa loob ng nasyonalistang naratibo ng kasaysayan ng Indonesia sa mga akdang sinuri mula 2010 hanggang 2014. Kasabay na rito ang umuusbong na interes sa mga ideya ni Malaka mula sa mga Pilipinong manunulat. Sa kabuuan, sinususugan ng mga akdang nasuri ang dalawang pangkalahatang tema tungkol sa pananalambuhay kay Malaka na inilahad ni Harry Albert Poeze (2008a). Idagdag pa rito ang patuloy na kontrobersya sa pagdadalumat sa katauhan at kahalagahan ng mga kaisipan ni Malaka bilang pambansang bayani para sa kasalukuyang henerasyon.