Kaligiran at Layunin: Ang paglilinang ng akademikong wikang Filipino ang siyang pangunahing tunguhin ng kasalukuyang kurikulum sa Filipino sa antas tersyarya batay sa iniatas ng Komisyon ng Lalong Mataas na Edukasyon. Hindi na bago ang konseptong akademikong wika sa larangan ng edukasyong pangwika, partikular na sa Ingles bilang pangalawa at dayuhang wika. Binigyang-kahulugan ang akademikong wika bilang wikang may mataas na antas at nililinang sa mga mag-aaral upang magamit sa higit na matatayog na konsepto sa iba’t ibang mga larangan at nilalaman. Kung kaya’t para sa mga eksperto ng konseptong ito, ang maging guro ng akademikong wika ay ang pagiging isang guro rin ng nilalaman. Layunin ng pananaliksik na ito na matuklasan ang pananaw ng mga gurong-kalahok hinggil sa kanilang papel/gampanin bilang mga guro ng akademikong wika sa antas tersyarya.
Pamamaraan: Ang pamamaraang penemolohikal ang ginamit sa pananaliksik na ito. Pinagsama sa ganitong pamamaraan ang paglalarawan ng kalidad ng mga naisabuhay na karanasan (lived experiences) at ang paglalarawan ng kahulugan ng pagpapahayag o ekspresyon ng mga isinabuhay na karanasang ito. Ang mga kalahok ay kinabibilangan ng 17 guro mula sa tatlong paaralang tersyarya na kabilang sa Intramuros Consortium (Maynila). Kinapanayam ng mananaliksik ang bawat kalahok hinggil sa kanilang mga pananaw bilang mga guro ng akademikong wika at gayundin, ang kanilang mga pamamaraang ginagamit upang maisakatuparan ito. Ang bawat tugon ng kalahok ay ikinategorya at nginalanan batay sa mga lumitaw na magkakaugnay na tema. Ang mga temang ito ang siyang inanalisa ng mananaliksik.
Mga Kinasapitan at Pagtalakay: Apat na tema ang namayani sa lumabas na 32 makabuluhang pahayag mula sa 17 kalahok: (1) gampaning pragmatiko, (2) gampaning idealistiko, (3) gampaning sentimental at (4) gampaning personal. Tinalakay ang kaugnayan ng bawat isang tema sa mga natuklasan sa mga nakalipas na pag-aaral hinggil sa pagtuturo ng akademikong wika at ang implikasyon nito sa pagtatamo ng akademikong wika ng mga mag-aaral ng Filipino.
Kongklusyon: Lumitaw ang samu’t saring gampanin ng mga guro ng wika batay sa kinalabasan ng pakikipanayam. Bagamat makatwiran ang mga nakikitang gampanin ng bawat guro ng Filipino, hindi rin maikakaila na may kakulangan sa pag-unawa sa tunay na konsepto ng akademikong wika ang mga gurong-kalahok. Halos ang lahat ay nakatuon sa pagtuturo ng Filipino bilang wika ng komunikasyon at bilang isang tungkuling panlipunan. Subalit hindi ganap na natukoy ang pagtuturo ng Filipino upang magamit ito sa pagtalakay ng higit ng matatayog na kaisipan.