Sa klase ng mundong mayroon tayo ngayon kung saan karamihan sa mga tao’y umiinog ang mundo sa internet, mas nagiging madali para sa mga organisasyong nagbibigay balita ang hubugin ang ating posisyon sa paraang kanilang gugustuhin. Dahil dito, nalilibanan ang katotohanan dulot ng mga gawing hindi napapansin katulad ng matalinong paggamit ng wika sa pagsulat ng balita. Ito ang nakita ng mananaliksik sa estado ng kamalayan ng mga Pilipino sa mga sosyo-pulitikal na isyu kaya naman naisipang magsagawa ng isang napapanahong pag-aaral sa kung papaano hinubog ng online media ang opinyon ng mga Pilipino sa pinakapinag-usapang isyu noong 2013, ang Priority Development Assistance Fund scam. Sinuri sa pag-aaral na ito ang paraan ng paggamit ng Inquirer.net at Rappler, dalawa sa pinakabinibisitang online news portal sa bansa, sa wika upang makagawa ng espisipikong ideyolohiya mula sa pagpili, dalas ng paggamit at kahulugan ng mga salitang inilagay sa balita. Ang pagsusuri ay hango sa Transitivity Analysis ni M.A.K Halliday at Lexicalization na sinundan ng interpretasyon sa implikasyon nito. Binigyang-diin sa pag-aaral ang mga salitang binigyang koneksyon sa iba’t ibang salik ng isyu. Lumabas sa pag-aaral na higit na pinalutang ang negatibong anggulo sa usapin sa pamamagitan ng ibinigay na kahulugan sa mga terminong ginamit sa balita, tagong koneksyon sa mga salik ng isyu tulad ng sa mga mambabatas at kay Janet Napoles, at sa gampanin ng pamahalaan sa usapin. Batay sa tradisyunal na konteksto ng balita, lumabas na hindi patas ang pagbabalita ng online media na ipinagpalagay na nakaapekto sa posisyon ng mga gumagamit nito sapagkat nagsimula sa internet ang mga kilusang lumalaban sa PDAF na implikasyong sumasang-ayon sa anggulong nahubog ang pagkilos ng tao. Hango sa pag-aaral, naging malaking salik ang paraan ng paggamit ng wika sa pagsulat ng balita at pagkokondisyon ng posisyon ng tao sa espisipikong isyu.